Sa panahong ito mahirap nang makakita ng mga taong makakaintindi sa ugali mo,
Yung makakasabay sa kalokohan at kaweirduhan mo.
Yung tipong pwede kang batukan kung nararapat at pupurihin ka kung ang nagawa mo'y kapalapalakpak.
Yung pwede mong tawagan para may makausap ng tungkol sa wala at kung kelangan mo nang kausap tungkol sa problema.
Yung pwede kang maging tanga at magkamali nang hindi ka hinuhusgahan, sa halip ay tutulungan ka pang tamain ang nagawa.
Yung tipong kahit na milya-milya ang layo ng kinarooroonan, dagat man o lupa ang pagitan,
Hindi napuputol ang usapan, lalung-lalo na ang bigkis ng pagkakaibigan.
Kaya naman napakasuwerte ko kasi sa kinalaki-laki ng mundo, may natagpuan akong mga taong ganito.
Laking pasasalamat ko sa Maykapal sapagkat ako'y biniyayaan ng mga kaibigan, na kahit ano pang mangyari alam kong nandyan lamang lagi sa aking tabi.
Umulan man o bumagyo, tsunami, red tide, martial law;
jeepney strike, EDSA revolt at coup d'etat ... at kahit dumating ang kung ano pa,Basta ako nakangiti pa rin, hindi dahil ako'y sadyang weirdo o manhid. Pero kasi alam kong may mga kaibigang naghihintay sa akin. Para magpayo, makipagkwentuhan, makinig, dumamay at yumakap. O di kaya'y para makipag-inuman ng kape o tequila at kumain ng puto at alimango hanggang mamaga.
Pero higit sa lahat, ang pinakamagandang hatid ng mga taong aking binabanggit, ay ang pagbibigay ng lakas at saya, para harapin ang bukas na may dalang pagmamahal, pasasalamat at pag-asa na ang lahat ng bagay ay sadyang maganda.